Saturday, October 30, 2010

Animal

 Akda ni Richard A. Policarpio


Ilan na nga ba ang nagtumaas at nagtumayog?
Naghari-harian sa sariling gawang bantayog
Tila diyos na sinamba, akala mo sa mundo'y syang humubog
Ngunit kimpal at tipak sa kaban ng yaman sa kanila'y bumusog.

Madlang alipin ng paghihirap di alam saan titingin
Sikmurang kumakalam, halos mata'y naduduling
Di makaganti ni makalaban sa hayop na kapiling
Bibig na binusalan, luha'y dugo sa impit na hiyaw--ang syang daing.

Silang gahaman sa yaman at kapangyarihan
Luhuran mo man patuloy kang yuyurakan
Silang mga hayop na tila naglipana
Walang sinasanto-- walang Binabathala

Doon sa harap ng tunay na Hari
Na walang pinipili at walang itinatangi
Lahat ay magsusulit, lahat ay may ganti
Silang mga busog makuha pa kayang ngumiti?!
 

(c) 2010, Richard A. Policarpio

No comments:

Post a Comment