Tuesday, November 23, 2010

Isang Hakbang sa Pagtataguyod ng Adbokasiyang Pangangalaga sa Kalikasan

Richard A. Policarpio


Gaya ng linya na inawit ni Ginoong Noel Cabangon: lumilipas ang panahon, kabiyak ng ating gunita, ang mga puno't halaman bakit kailangang lumipas?

Bakit? Bakit nga ba kailangan pang mamaalam ng ating inang kalikasan? Hindi lamang puno at halaman, hindi lamang mga yamang-hayop sa ibabaw ng lupa o ng mga yaman na nasa ilalim ng dagat ang nanganganib na mawawala kapag pinagpatuloy natin ang pang-aabuso at di pagpansin  sa mga biyayang kaloob sa atin ng DIOS, dahil matapos nila.. tayong mga tao naman ang maaaring sumunod...

Hihintayin pa ba natin na tayong mga tao naman ang unti-unting maglalaho? Papaano na ang kinabukasan mo, at ng iyong mga anak, at ng mga susunod pang henerasyon? May umaga pa kaya silang masisilayan?

Ika-21 sa buwan ng Nobyembre taong kasalukuyan, Linggo. Alas-dos pa lamang ng madaling araw ay buong pananabik na akong gumayak kasama ng isang kaibigan upang tumungo sa Mc Kinley Hill, Taguig kung saan idaraos ang "Run a Million Hectare Challenge- isang funrun/fund raising event ng HARIBON FOUNDATION para sa kanilang mga proyektong pangkalikasan. Eksakto alas kwatro ng umaga nang kami ay nakarating sa nasabing lugar.

Ang HARIBON ay isang lokal na organisasyon dito sa Pilipinas na isinusulong ang adbokasiya na ipagtanggol ang kalikasan laban sa mapanirang gawa ng mga tao, kumpanya o sinumang indibidwal na walang patumanggi sa pagsira sa kalikasan.

Layunin ng Haribon ang mapangalagaan ang kalikasan lalo na ang mga "endemic species" na sa ating bansa lamang matatagpuan. At ito ngang araw na ito ay nagkaroon sila ng takbo para sa kalikasan na nilahukan ng mga kabataan- estudyante at propesyonal, ahensya ng gobyerno gaya ng Philippine Coast Guard at iba pang may kilalang pangalan tulad na lamang ng HOST/TV News reporter na si Miss Susie Entrata ng Unang HIrit (GMA-7) kasama ang kanyang anak- sila'y masayang nakitakbo at bukas ang loob sa pagsuporta sa proyektong ito ng HARIBON. Hindi ba't nakakatuwang makita na kahit ano pa ang estado ng isang tao sa kanyang buhay-- ang mahalaga ay may bukas na kaisipan sa kahalagahan ng kalikasan
at may pagmamahal sa kanyang kapaligiran.

Kami, bilang kabahagi sa gawaing ito, ay nagboluntaryo upang maging mga "waterboys" o taga bigay ng tubig sa mga "runners" ng 3K, 5K at 10K. Sa unang tingin, medyo nakakailang ang aming magiging ganap  (ito ay base sa aking personal na nararamdaman) subalit bigla itong napalitan ng pananabik at galak ng nandoon na kami mismo sa  naturang field na paggaganapan ng takbuhan.

Si Ian, ang aking kaibigan na syang pasimuno kung bakit ako ay na-involved sa ganitong gawain ay nagmamadaling inayos ang lamesa at pinuno nito ang mga cups. Isa-isa namin itong inihalera sa lamesa at sinalinan ng tubig at baka sakaling magsimula na  nga ang takbuhan ay handa na kami sa mga pulutong ng mga runners na dadaan sa aming water station. Kasama nga din pala namin sa station ang aming bagong kakilala at kaibigan na rin na si Ate Jhe-el. Masasabi naming higit kaming  pinagpala dahil siya ang aming nakasama dahil siya pala ay isa mismo sa staff ng HARIBON.

Buong saya syang nakipagkwentuhan sa amin, nagbahagi ng  kanyang mga kaalaman tungkol sa kanilang organisasyon at sa mga magagandang layunin nito na ipagtanggol at pangalagaan ang kalikasan. Sa kanya din namin natutunan na ang HARIBON ay maaga nang naitatag noon pa mang taong 1972 at nagsimula bilang samahan na nag-aaral tungkol sa mgaspecies ng iba't  ibang ibon sa pamamagitan ng "birds watching" at nang kalaunan ay lumawak pa ito at ngayon ay sumasaklaw na rin sa mga usaping "climate change", "diving activities", planting trees/nursery/seedlings, photography at iba pa.

Marami pa syang kaalaman na ibinahagi sa amin.

Ganap na alas 6:00 ng umaga, narinig na ang pagputok ng baril- indikasyon na nagsimula na ang takbuhan! Magkahalong kaba at pananabik ang naramdaman naming tatlo dahil kami ang unang water station na daraaanan ng mga magsisipagtakbo. At ito na nga! Hindi mapatid patid na pulutong ng mga runners ang dumaraan sa amin.

Salin dito! Salin doon! Totoong nakakapagod ang magsalin at magsalin pa ng tubig dahil hindi naman nauubos ang bilang ng mga taong tumatapat sa amin upang uminom. subalit hindi totoong pagod ang aming naramdaman dahil ibayong saya ang kapalit sa bawat basong aming nasasalinan at naabutan ng tubig.

Napalitan ng saya at tuluyan nang nangibabaw ang galak na makatulong sa mga mananakbo na pawiin ang kanilang mga uhaw. Sa totoo lang, ipinagmamalaki namin na kami, sa ganitong simple at maliit na paraan ay gumanap naman ng isa sa pinakamalaking bahagi ng HARIBON. Ang maging mga taga-abot o taga-bigay ng tubig.

Natapos na nga ang takbuhan bago pa man mag alas 9:00 ng umaga.Bumalik na kami sa pinaka- homebase ng programa at kami ni Ian ay nagkaroon ng pagkakataon para makilala ang iba pang miyembro ng organisayon sa tulong na rin ni Ate Jhe-el na lehitimong kasapi ng samahan.

Nakilala namin sina Denise at Lei mga aktibong kabataan ng Haribon. Buong giliw silang ngumiti, nakipag-usap at nag-imbita na rin sa amin para maging kasapi. Syempre positibo namin itong tinanggap pero hindi muna kami nagparehistro. Subalit  bilang tugon sa kanilang paanyaya ay nag-fill up na lang kami sa isang form kung saan ay may gawain o proyekto na naman silang gaganapin sa isang buwan, Disyembre 11, 2010. Ito ay ang pag-aalaga sa malilit na halaman (nursery/seedlings) bago ito tuluyang itanim. Sa Caliraya, Laguna ito nakatakdang ganapin. At sana ay makadalo pa rin kami.

Bago pa man kami magpaalam sa mga organizers, isang realidad na naman ang aming natutunan. Hinding hindi namin hahayaan na lumisan ang mga puno, halaman o ang mga hayop. Sabi nga ni Ate Jhe-el: ang mga endemic species ang isa sa mga indikasyon para masabi kung healthy pa ba ang ating kalikasan, at kapag nawawala na sila, ibig sabihin nasa panganib na ang ating kalikasan, at di magtatagal, tayong mga tao naman ang susunod. Ginagawa namin ito hindi na para sa aming henerasyon, dahil may mga edad na rin kami, ginagawa naming ito kundi para sa inyong mga kabataan at sa mga magiging anak at mga apo niyo pa.

Nakaka-inspire hindi ba? Kaya walang dahilan para hindi kami magpatuloy sa mga ganitong gawain. Nakatatak nga na tagline sa aming mga damit na suot: this is more than running.. Nararapat na ibalik din natin sa kalikasan ang nararapat na pangangalaga at proteksyon.

2 comments: