Ang Usapin Ng Pagiging Babae
Ni Zelda DT Soriano
Ni Zelda DT Soriano
Ang paksang ito’y
karugtong ng biruan at asaran,
ng ismid at kibit-balikat,
ng lingon, iling, at tango,
ng halukipkip, at upong dekwatro.
Ang dibate rito
ay suntok sa buwan,
bulong sa hangin,
lakad sa tubig,
tibag sa bundok.
Ang hantungan ng tunggalian
ay halik o tadyak.
Walang ipapanalong katwiran
mabaliw na si Sisa,
maupod man ang tuhod
ng lahat ng manang,
lumaylay na ang suso
at mapunitpunit man
ang puki ng lahat ng
Salome ng lipunang ito.
‘Pagkat ang usapin
ng pagiging babae
ay inihaharap ng bisig at kamao,
iginigiit ng may pag-ibig at kamalayan,
pinaninindigan ng armas at punglo.
Mauban, Quezon
(c)1990 by the author
_______
_______

No comments:
Post a Comment